Tagalog o Filipino, ano ba talaga?

people's eye

people’s eye

SA PILIPINAS, ipinagdiriwang ang Agosto bilang buwan ng Wikang Pambansa. Eksakto naman dito sa Los Angeles, ipagdiriwang sa darating na Sabado (Agosto 6) ang ika-14 na taon ng pagkilala sa Historic Filipinotown.

Wala sa tema ng pagdiriwang ang wikang pambansa pero siyempre kulturang Pilipino ang mamayani sa okasyong ito. Pagkaing Pilipino, pananamit, musika, sayaw at siyempre, mag-uusap ang karamihan sa Tagalog o Filipino.

Madalas akong matanong: Ano raw ba dapat ang tawag sa ating pambansang wika, Tagalog o Filipino?

Para sa karamihan, magkasing kahulugan lang ang dalawang salitang ito.

Kahit ako, kapag may nagtanong: Do you speak tagalog? Ang sagot ko: Yes. Hirap naman kasi sumagot na: No, I speak Filipino. Ma-obliga ka pang magpaliwanag kung paano nagkaiba ‘yung Tagalog at Filipino.

Pero bilang mga Pinoy, maige na malaman natin ang pagkakaiba ng Tagalog at Filipino.

Hindi ako dalubhasa sa wika, pero bilang isang manunulat, heto po aking mga kuro-kuro (kung may mali po, nakahanda po akong itama ito):

1. Ang malaking bahagi ng wikang Filipino ay nakasalig sa lengguwaheng Tagalog.

2. Ang wikang Filipino ang ginagamit na salita ng karamihan sa mga taong nakatira sa mga sentrong lungsod ng bansa, partikular na ang Metro Manila.

3. Ang wikang Filipino ay mas maraming hiram na salita mula sa wikang Kastila at Ingles. Mga hiram na salita na karaniwang hindi na natin makilala mula sa kanilang pinagmulan dahil nag-iba na ang pagbaybay (ispeling) at kahulugan nila.

4. Nanghiram din ng maraming salita ang wikang Filipino sa iba’t ibang rehiyonal na lengguwahe o dialect.

5. Maging ang mga nakatira sa tinatawag na Tagalog region ay mayroon ding magkakaibang uri ng “Tagalog” na ginagamit. Iba ang Tagalog ng mga Batangueno at iba ang Tagalog ng mga Bulakenyo. Ito siguro ang pinakamalinaw na ehemplo ng pagkakaiba ng wikang Filipino at Tagalog.

Bilang buod, ang wikang Filipino kung ganoon ay ang wikang isinilang ng pakikisalamuha at pakikipagtalastasan ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon sa mga sentrong lungsod ng bansa.

Sa pagsusulat at pagsasalita, wikang Filipino po ang ginagamit ko. Kaya ko pong gumamit ng “purong Tagalog,” pero hindi po ako sanay o bihasa. At baka mahirapan din po ang mga mambabasa na intindihin ako.

Intindihin,” sabi ko, mula sa Kastila na entiende o entender.

Sa Tagalog: Unawa o unawain. Pagmamasid=obserbasyon, mula sa Ingles na observation. Ilan lang po iyan sa katangian ng wikang Filipino.

At pansinin din po natin na “F” ang simula ng Filipino at hindi “P” as in Pilipino. Dahil hindi lang po mga salita ang hiniram natin mula sa iba’t ibang wika kundi pati na rin ang ilang mga letra ng kanilang alpabeto. At ito po ay upang mabigkas at mabaybay natin ang mga hiram na salita sa konteksto ng wikang Filipino.

++++

Kapag nagawi kayo sa downtown Los Angeles, huwag n’yo pong hanapin ‘yung Filipinotown. Wala pong Filipinotown na kagaya ng Chinatown o Koreatown. Ang mayroon lang po: Historic Filipinotown. Ang ibig sabihin po, historical recognition lang po ito ng lugar na dating dominado ng mga Pilipino.

Bakit nga kaya wala tayong masabing tunay na Filipinotown? Dahil ba sa wala tayong ginawa kundi mag-away nang mag-away?

Hindi ko rin po alam ang sagot sa tanong na iyan. Pero ang isa sa mga hula ko ay dahil mahina ang ating “entreprenurial culture.” Hindi tayo mahilig mag-negosyo kaya wala tayong interes na bumuo ng mga solidong pamayanang Pilipino. Ang kultura natin, mag-aral para maging propesyonal at mamasukan sa mga matatag na industriya o pagawaan. Kaya siguro kung nasaan ang trabaho, naroon tayo. Kaya siguro buhaghag ang pamayanang Pilipino dito.

Pero hindi naman siguro ibig sabihin na wala tayong pagkakaisa? Meron, ‘di ba?

 

 

 

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

One Comment

  1. Wilfrefo armas says:

    Karamihan tawag nila filipino

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.