Opinions

Minsan hindi ko maintindihan ang ating Supreme Court*

usaping bayanEWAN ko kung bakit nagpalabas ng Temporary Restraining Order ang Supreme Court kaugnay sa ipinatutupad na mga curfew ordinance ng Lungsod Quezon, Maynila at Navotas para sa mga “menor de edad.”

Puwede naman kasing suriin ng mga mahistrado ang konstitusyunalidad ng mga ordinansa na hindi nagpapalabas ng TRO bilang tuguon sa petitsyon ng isang grupo na nagpapakilalang Samahan ng mga Progresibong Kabataan o SPARK.

Ayon sa mga kabataang ito ay nilalabag ng mga ordinansa ang kanilang karapatan na maging malaya at maglakbay. Ang pagpapatupad ng curfew ay katumbas daw ng tinatawag na “status offense” o isang uri ng kaparusahan na ipinatutupad lamang sa isang piling grupo ng mga tao halimbawa: mga menor de edad.

Ewan ko kung ano ang kalalabasan o magiging desisyon ng Mataas na Hukuman sa kasong ito pero hayaan ninyo akong magbahagi ng aking munting kaisipan.

Una, wala akong nakikitang paglabag sa karapatan ng mga kabataan na maging malaya o maglakbay. Malaya pa rin ang mga kabataan bagamat nilagyan ito ng kondisyon ng estado para na rin sa kanilang kapakanan at murang edad. Kung tutuusin, ano ang kailangan nilang gawin sa mga lansangan sa dis-oras ng gabi kung kailan naglipana ang mga masasamang elemento sa lipunan?

Hindi rin sinasaklawan ng ordinansa ang kalayaang maglakbay. Malaya pa rin na bumiyahe ang mga kabataan kung kasama ang magulang o responsableng nakatatanda kahit sa oras ng curfew.

Lalong hindi rin status offense ang pagpapatupad ng curfew kasi ang layunin nito ay pangalagaan ang kabataan at ang kanilang interes at hindi para parusahan sila. May mga bagay na maaring isang grupo lamang ng tao, dahil halimbawa sa kanilang edad o kasarian, ang maariing maapektuhan ng batas.

Kaya malinaw para sa akin walang kwenta at basehan ang argumento na ipinipilit ng mga kabataang ito.

* * *

Kagabi napadaan na naman ako kahabaan ng Congressional Avenue mula Luzon hanggang EDSA at ganun pa rin ang sitwasyon. Naghambalang pa rin ang mga pribadong sasakyan na ginagawang parking lot ang isang linya ng daan.

Sadyang walang ginagawa ang barangay, pulisya at lokal na pamahalaan sa problemang ito. Magkano kaya ang parating ng mga establisimiento sa kinauukulan sa lugar na ito?
 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.