Opinions

Huwag tayong masyadong mayabang…*

USAPING-BAYAN-LogoNANALO nga tayo sa United Nations International Arbitral Court sa The Hague nitong nagdaang Martes pero hindi natin dapat ipangalandakan ito dahil maaring maging isang hungkag na tagumpay ang kaganapang ito kung palpak ang mga susunod nating hakbang.

Ang pabor na desisyon ng pandaigdigang hukuman kaugnay ng ating mga hinaing na may kinalaman sa pinagtatalunang 200-mile Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea (South China Sea), kung saan malaking bahagi nito ay inaangkin ng Tsina, ay may doble talim na katangian.

Maaring maging daan ang pasya ng pandaigdigang hukuman para pakinabangan natin ang mga teritoryong pinag-uusapan pero puwede rin na ito ang maging daan para tuluyang mawala ang mga ito sa ating kamay.

Bilang Asyano na taga-silangan ay ayaw natin ng nawawalan ng mukha o mapahiya lalo na sa harap ng marami. Ito ang nangyari sa Tsina ng manalo tayo sa The Hague. Ang ating tagumpay ay sampal sa kanila sa harap ng mundo kaya maari silang gumanti.

Isa sa kanilang maaring gawin ay ang tuluyang isara sa Scarborough (Panatag) shoal o Bajo de Masinloc sa ating mga mangingisda. Kapag nagkagayon ay ano ang maari nating gawin? Makalalaban ba tayo sa kanila?

Pero sa isang banda, kung hindi tayo magmamayabang sa ating tagumpay, ay maaring silang makipag-usap upang lumabas na hindi naman sila kahiya-hiya sa mundo. Ika nga sa kanilang pakikipag-usap ay sasagipin nila ang kanilang mukha (face saving act). Kaya depende sa ating ikikilos ang mga susunod na pangyayari sa West Philippine Sea.

* * *

Hindi pa rin kumikilos hanggang ngayon ang lokal na awtoridad ng Lungsod Quezon tungkol sa naghambalang na mga sasakyang pribado, lalo na kung gabi, sa kahabaan ng Congressional Avenue, mula sa kanto ng Luzon Avenue hanggang sa EDSA.

Napaka-suwerte talaga ng mga establisimiento sa lansangang ito kasi lumalabas na ginawa ang nasabing daan para may maparadahan ang kanilang mga customers. Aba, nagpapagawa pala ng daan ang pamahalaan gamit ang buwis ng bayan para ipagtayo lamang ng parking lot ang mga establisimientong ito.

Dahil pera ng bayan ang pinakikinabangan ninyo, lalo na kung gabi, ay dapat na singilin kayo ng pamahalaan. Ang bayad ay para sa perhuwisyo at panganib na dulot ng mga kliyente ninyo na illegal na pumaparada sa kalyeng ito.

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.