Opinions

Mabuhay ang kasarinlan! Patalasin ang memorya!*

12660233_10153830564792808_692781680_nMATAGUMPAY ang mga pagdiriwang ng ika-118 Kasarinlan ng Pilipinas dito sa Los Angeles, sabihin mang hiwa-hiwalay at hindi kasing engrande ng mga pagdiriwang na naganap sa ibang bahagi ng Estados Unidos.

Ang maganda, hindi nagsapawan ang mga organizer at pinag iba-iba nila ang mga oras at petsa ng mga pagdiriwang. Isang mabuting binhi tungo sa pagkakaisa. Ang tawag natin diyan ay “pasintabi.” Pinaghalong resulta ng pakikisama at respeto.

Usap-usapan na daig daw tayo ng mga taga-New York sa garbo at laki ng kanilang parada tuwing Araw ng Kasarinlan. Mas malaki daw na ‘di hamak ang komunidad ng mga Pinoy sa Los Angeles, pero bakit hindi raw natin sila matapatan?

Pero ‘yun na nga mismo ang problema. Dahil mas malaki ang komunidad natin dito sa Los Angeles, mas maraming kailangang pakinggan, aalalahanin at bigyan ng pagpapahalaga sa pagbuo ng plano ng pagdiriwang.

Ang pangunahing tanong: Saan gagawin?

Hindi naman natin puwedeng burahin sa listahan ang Historic Filipino Town (HFT) sa downtown LA. Kung kasaysayan ang nagbubuklod sa atin upang magdiwang, hindi matatawaran ang kasaysayang nakapaloob sa HFT.

Napakalaki ng Los Angeles. Kahit saang direksiyon ka tumuro — mapa-silangan, hilaga, timog at kanluran — may mga malalaking mga komunidad na Pinoy. At magkakalayo po ang mga ito. Kaya hindi po talaga madaling magpasya kung saan gagawin sakaling balakin na pag-isahin ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan.

Sa isang banda, ayos din naman. Ugali rin naman talaga nating mga Pinoy na dumayo sa mga lugar ng mga kaibigan at kamag-anak. Hindi po ba?

Iba’t iba gimik, iba’t ibang putahe ng mga pagkain, iba’t ibang init ng pagsalubong. Piyesta!

* * *

Ang imaheng nasa isip natin: Si Heneral Emilio Aguinaldo na nagwawagayway ng bandilang Pilipino sa balkonahe ng isang bahay.

Nangyari po iyan, noong Hunyo 12, 1898. Binasa ni Aguinaldo ang “Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino” (Paggawa ng Proklamasyon ng Kasarinlan ng sambayanang Pilipino) sa Cavite II el Viejo na kilala na ngayon bilang Kawit, Cavite.

Isang lingo matapos ang kunwaring giyera sa pagitan ng mga puwersa ng mga Amerikano at mga Kastila sa Manila Bay.

Hindi nagtagal, sumiklab naman ang digmaang Pilipino laban sa mga Amerikano. Natalo tayo at hindi natin naipagdiwang ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kasarinlan sa loob ng 48 taon.

Naging opisyal lang ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kasarinlan noong pirmahan ni Presidente Diosdado Macapagal ang Republic Act 4166 noong ika-4 ng Agosto, 1964.

Kung pagbabasehan ang tala ng kasaysayan, naging malaya lamang tayo noong Hulyo 4, 1946 — pagkatapos ng World War II.

Mula noong 1946 hanggang 1964, tuwing fourth of July tayo nagpapaputok ng mga kuwitis.

Wala naman akong malaking problema sa petsa ng pagdiriwang ng ating kasarinlan. Symbolic lang naman ‘yan. Pero ‘wag lang kakalimutan na hindi noong 1898 kundi noong 1946 tayo nagsimulang “magsarili” bilang bansa. At ang 48 taon sa pagitan ng 1898 at 1946 ay panahon din ng pananakop ng mga dayuhan (mga Amerikano at mga Hapon mula noong 1941 hanggang 1945).

Isiksik po natin ang mga detalyeng ito sa ating kolektibong memorya.

* * *

Sanay tayong pagpalit-palitin ang mga salitang kalayaan at kasarinlan. Kung magiging teknikal tayo, magkaiba ang kahulugan ng dalawang salitang ito. Ok lang naman pong gamitin ‘yung katagang Araw ng Kalayaan, kung context po ang pagbabatayan.

Kaya lang magkakaroon ng problema kapag inilalahad ang kasaysayan at darating tayo sa panahon ng diktadurya ni Pangulong Ferdinand Marcos. Paano natin isasama ang 14 na taong diktadurya sa konteksto ng pagiging malayang mga mamamayan?

Mayroon naman tayong iigpawan o lalagpasang yugto sa ating kasaysayan kapag nakatuon lamang ang ating mga isipan sa petsang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan.

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.