Opinions

Patay dito, patay doon…haaay patay na*

USAPING-BAYAN-LogoNAKIKINIG ako noong isang araw sa isang sikat na palatuntunang pang umaga sa radyo ng marinig ko si President-elect Rodrigo Duterte habang nagsasalita sa isang pulong balitaan kasama ang mga mamamahayag.

Habang mumukat-mukat ako at hawak ang isang tasa na may mainit na kapeng barako ay napansin ko na palagian niyang sinasabi na papatayin niya si ganon o si ganyan. Halos bukang bibig niya ang “papatayin ko kayo.”

Ewan ko pero bigla akong nasuya at muntik nabitawan ang tasang hawak. Umagang-umaga at maganda ang sikat ng Haring Araw pero ang naririnig ko mula sa radyo ay mga salitang naghahatid ng kadiliman at kalagiman. Nasira ang aking magandang araw dahil sa mga narinig lalo na’t nagmula ito sa isang paparating na pangulo.

Ito na ba ang sinasabing “change is coming?” Kamatayan sa lahat ng mga kriminal, corrupt at kung sino pang mapag-iinitan ng papasok na administrasyon. Sa pagkakaunawa ko ay ang mga masama o kriminal na ibig patayin ni President-elect Duterte ang pangunahing layuning iligtas ng dakilang manunubos sa kamatayan na si Hesukristo.

Lubha rin akong nabalisa ng narinig ko na halos binibigyan niya ng katwiran ang pagpatay sa mga mamamahayag dahil sila ay “corrupt” at bastos. Sa kanyang pagpapaliwanag, sinabi ni Duterte na dahil binastos o binaboy ng isang reporter na corrupt ang isang tao kaya siya pinatay. Ewan ko pero ang dating sa akin ng kanyang paliwanag ay ok lang na patayin ang isang tao dahil bastos, player o corrupt.

Lalo pang napasama ang sitwasyon ng magpaliwanag kinabukasan ang taga-pagsalita ni Duterte na si Salvador Panelo. Sinabi ng dating abogado ng mga Ampatuan  na ang naargabyado o nagawan ng masama ay natural lamang na gumanti at patayin ang responsable sa pangaargabyado.

Siguro ganito ang argumento noon ni Panelo para sa kanyang kliyente na sinasabing responsable sa pagmasaker ng mahigit 50 tao, kabilang ang 32 mamamahayag. Siguro natural sa kanya o kay President-elect yun pero hindi sa isang lipunan na may mga batas at takot sa Dyos.

Nakalulungkot na mukhang mga “pro-death” ang mga may hawak ng poder sa ngayon. Sila ang inihalal sa puwesto ng bayan na nasuya sa kapalpakan at kawalang damdamin ng papalabas na administrasyong Benigno Simeon Aquino.

Kaya masasabi ko na maaring kasalanan din ni Pangulong BS Aquino at kanyang mga palpak na tauhan ang papalapit na kadiliman at lagim sa ating bayan.

* * *

Laban daw sa korapsyon ang papasok na administrasyong Duterte kaya gusto kong ibahagi sa pamunuang papasok ang na muni-muni ko matapos marinig ang sinabi ni President-elect Duterte sa kanyang pulong balitaan:

What is the ultimate form of corruption? Killing someone because not only it leads to the corruption of the victim’s body but also of the soul of the killer.”

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.