Opinions

Gisingin ang natutulog na higante*

 

12660233_10153830564792808_692781680_nKUNG minsan mahirap din ang nasa mayorya; palaging na papag-diskitahan.

Tulad naming mga Katoliko: halos lahat ng mga Kristiyanong sekta kami ang binibira sa kanilang pagpapalawak ng kasapian. Puwede namang mangaral at mag-recruit na hindi naninira ng iba. Imbes na magpalaganap ng pag-ibig, pag-uunawaan at pagkakaisa, mas gusto ng iba na magpalaganap ng diskriminasyon, galit at paghahati-hati.

May mga Katoliko ring ganyan pero tiyak kong hindi sila ang mukha ng Simbahang Katoliko.

Ang Simbahang Katoliko ang isa sa mga pangunahing nagsusulong ng ekyumenismo (ecumenical) o ang pagtitipon o pagkakaisa ng lahat ng mga simbahang Kristiyano. At ang tunguhing ito ay malinaw na makikita sa mga salita at gawa ni Papa Francisco.

Diyos lang ang perpekto. Walang relihiyong perpekto. At hindi monopolyo ng simbahan namin ang ka-ipokritohan. Hindi kinukunsinti ng mas nakararaming Katoliko at ng aming mga institusyon ang mga tiwaling obispo o mga pari.

Katulad ng iba pang mga relihiyon, ang aming simbahan ay patuloy na umiinog, nagbabago at umaangkop sa mga suliranin at mga hamon ng panahon.

Napakalawak ng aming simbahan sa buong mundo kaya napakahirap at napakabagal ng pag-usad ng mga pagbabago. Idagdag pa rito ang pagkakaiba-iba ng mga kultura, ekonomiya at pulitika sa mga bansang kinalalagyan ng aming mga simbahan.

* * *

Kami rin ang paboritong “whipping boy” ng mga pulitikong gustong magpasikat o gustong gumawa ng eksena para palabuin ang mga isyu at mga problemang hinaharap ng bayan.

Kung direktang nakikialam ang sinuman sa Simbahang Katoliko sa pamamahala ng gobyerno, dapat silang kasuhan dahil labag ‘yan sa ating Konstitusyon.

Pero kung ginagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin bilang konsiyensiya ng mga mananampalatayang Katoliko, hindi ito dapat ikagalit ng sinumang pulitiko. Hindi ito dapat maging dahilan para “balikan” o gantihan sila.

May mga relihiyon na mas malala ang pakikialam sa pulitika pero bakit hindi nila inaaway? Dahil takot sila sa solidong boto ng mga simbahang ito?

* * *

Kapag may mga kaganapan, kapag may mga malalaking sakuna sa ating bayan; sino ba ang mga mukhang madalas nating makita? Natatandaan n’yo ba ang mga seminarian, mga pari at mga madre na kasama nating nagpagod, nagpuyat at nagtaya ng buhay para sa mga kababayan natin na biktima ng mga sakuna at mga kalamidad?

Sa mga pangkaraniwang araw sa mga ospital, sa mga bahay-ampunan (para sa mga bata o matatanda), sa mga evacuation center, sa mga relocation site, sa mga kung tawagin natin ay squatter’s area —hindi ba ninyo nakikita roon ang mga ordinaryong pari, mga madre, mga seminarian  at mga layman ng Simbahang Katoliko?

Sa mga liblib na baryo, sa mga kabundukan; naroroon din ang malaking bilang ng mga madre, mga pari, mga seminarian at mga layman ng Simbahang Katoliko na nagsisilbing mga para-legal, nurse, guro, inhenyero, agricultural technician at kung anu-ano pang kasanayan na kailangan ng mga mahihirap nating kababayan – nagbibigay ng mga serbisyong hindi maihatid ng gobyerno.

Totoo, maraming malalaki at mayayamang simbahan sa mga lungsod, pero maliit na bahagi lamang iyan ng kabuuanng Simbahang Katoliko sa Pilipinas.

HINDI MAKATOTOHANAN AT LUBHANG MASAKIT PARA SA MGA MIYEMBRO NG SIMBAHANG KATOLIKO NA BANSAGAN BILANG “PINAKA-IPOKRITONG INSTITUSYON.”

* * *

Kaagapay, kadaop-palad, karamay at kakapit-bisig natin ang Simbahang Katoliko sa lahat ng mga makaysayang yugto ng ating kolektibong pamumuhay bilang isang bansa.

Huwag kalilimutan na kasama natin ang Simbahang Katoliko sa pakikipaglaban upang mabawi natin ang ating mga demokratikong karapatan. Maihahalal ba kayo ngayon bilang mga opisyal ng bayan kung hindi natin sama-samang ibinagsak ang diktadurya ni Marcos?

Noong mga panahon ng panganib at paniniil, ang mga seminaryo, mga paaralan, mga ospital at mga simbahan ng Iglesia Catolica Romana ang nagsilbing kanlungan ng marami nating mga kababayan na nangahas na labanan ang diktadura.

* * *

Kahit noong panahon ng panunupil ng mga Kastila, ang malaking bahagi ng Simbahang Katoliko ay nakipaglaban kasama ng sambayanang Pilipino. Ilan lang sa mga halimbawa sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora (Gomburza). Ganoon din ang 13 martir o trese martires ng Cavite.

Maaalala rin ang kabayanihan ni Gregorio Aglipay at ang mga kasama niya noong namang panahon nang pananakop ng mga Amerikano.

Kasama rin ang Simbahang Katoliko sa mga kumupkop, nagpakain at gumamot ng mga sugatang gerilya noong panahon ng Hapon.

* * *

Marami sa mga naghalal sa inyo ay mga Katoliko rin. Marami sa kanila ang nagtetengang-kawali pa. Pero kung hindi titigilan ang kawalan ng pasintabi at respeto sa pinakamalaking simbahan ng bansa, darating din ang oras na magigising ang “nahihimbing na higante.”

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

 

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.