Opinions

Kapag tinimbang ang bet mo pero kulang, paano na?*

12660233_10153830564792808_692781680_nNAPAKARAMI kong nabasang mga pamantayan o giya para sa pagpili ng mga kandidato. May nabasa ako na 10 ang sukatan para sa karapat-dapat na kandidato, mayroong pito, mayroong lima at mayroong din namang isa lang.

Sabi ng iba, masyado raw marami ‘yung 10, baka raw walang makapasa kung ganyan kataas ang pamantayan natin. Naitanong ko tuloy sa sarili ko: Ano ba dapat? Sumunod ang mga kandidato sa ating pamantayan? O isunod natin ang ating pamantayan sa kalidad ng ating kandidato?

Malungkot man tanggapin, pero mukhang ‘yung mga pamantayan natin ang sumusunod sa kandidato. Kaya noong iniisip ko ‘yung mga pamantayan na gagamitin ko, nag-edit na rin ako. Halimbawa; ‘yung moralidad hindi ko na isinama sa requirement. Tutal parang wala namang epekto sa botante‘yung babaero, lasenggero o sugarol. Sa lokal at nasyonal, napakarami na nating naihalal na ganyan.

Inalis ko rin ‘yung paghahanap ng kandidatong may karanasan. Marami na rin tayong naihalal na ganyan. ‘Yung paghahanap ng kandidatong may kaalaman, inalis ko rin. Marami na rin tayong nailuklok na ganyan.

Dalawang rekisitos lang ang natira sa listahan ko. Siguro naman hindi ko na kailangang baliin pa ang dalawang panukat na ito?

Teka, paano nga ba natin tinitimbang ang mga kandidato laban sa ating mga pamantayan? Ganito ba?

HINDI KURAKOT O MAGNANAKAW – Galit na galit ang mga tao ngayon sa mga magnanakaw. Pangunahing dahilan kung bakit llamado si Mayor Rodrigo Duterte. Hindi raw kasi magnanakaw si mayor na nagsilbi sa Lungsod ng Davao sa loob ng halos 20 taon. Isa tayong lahi na galit sa mga magnanakaw, pero ang katotohanan, karamihan sa mga ibinoboto natin sa gobyerno, mga nagnanakaw din. Bakit kaya ganoon?

Sino ba ang magnanakaw na kinamumuhian natin? ‘Yung magnanakaw na hindi natin kamag-anak? ‘Yung magnanakaw na hindi natin ka-brad, kaibigan, kababayan, ka-relihiyon, kaeskuwela, ka-barangay, kapitbahay, ka-partido sa pulitika at ‘yung kalaban ng ating kandidato?

Pikit-mata tayo sa magnanakaw na kamag-anak, kaibigan, ka-brad, kababayan, ka-relihiyon, kaeskuwela, ka-barangay, kapitbahay, ka-partido sa pulitika at kung siya ang iboboto natin.

At siyempre, lalo tayong pikit-mata kung nakikinabang tayo sa diyaskeng magnanakaw na ‘yan.

Aray, ako mismo tinamaan sa mga sinabi ko. Pero, kung magpapakatotoo tayo sa ating mga sarili, ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi masawata ang katiwalian sa bayan natin.

Eto pa ang matindi: Di bale raw na magnanakaw basta maraming nagawa o nagagawa.

Aray ko uli!

Makakaasa ba tayong matatapos ang “vicious cycle” ng katiwalian kung ganito ang katwiran natin?

PLATAPORMA – Halimbawa, kung naniwala ka sa kandidato mo na nangakong lalagyan niya ng bubong ang buong Metro Manila, siguro responsibilidad mo naman na alamin kung saan sila magsisimulang maghukay ng pundasyon.

Sabi nga sa ingles: The devil is in the details.

Madaling magsabi ng mga objective o mithiin. Ang mahirap, ‘yung pagbuo ng programa kung paano isasakatuparan ang mga ito.

Kung seryoso ang isang kandidato, matagal pa ang eleksiyon nabuo na niya ang mga programa para sa bawat mithi na ilalagay niya sa kanyang plataporma de gobyerno.

Halimbawa, isa sa mga objective mo ang peace and order. Paano ka magsisimula kung ang mismong kapulisan may problema? Kailangan itong linisin mula sa mga tiwali at mga abusado nitong miyembro. Pero hindi naman puwede na basta na lang sibakin ang mga pinaghihinalaang scalawag. Paano ito magagawa na hindi malalabag ang tinatawag na “due process”?

Kaya nga may mga debate at mga town hall meeting, para maitatanong natin ang mga detalye ng mga programa ng mga kandidato. Kung paano nila ito maisasakatuparan sang-ayon sa mga umiiral na batas at kondisyong panlipunan. Programa nga ba ang inilalako nila o propaganda lang?

Pero ano ba ang ginagawa natin kapag malabo ang plataporma ng kandidato natin? Kinukumpronta ba natin sila? Hinahamon ba natin sila na pantayan ang ating mga pamantayan?

O baka naman, pikit-mata na lang tayo dahil wala namang mapagpilian. O isinusuko na lang natin ang ating mga pamantayan dahil ang kandidato ay kamag-anak, kababayan, kaibigan, ka-brad, ka-relihiyon, kapitbahay, ka-barangay, ka-partido sa pulitika…et cetera.

 

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.