Opinions

Cool ka lang! Chill! Easy Lang!*

12660233_10153830564792808_692781680_n

MAINIT na ang ulo ng mga tao. Palapit na kasi nang palapit ang araw ng eleksiyon.

Alam n’yo ba ‘yung pakiramdam nang umaawat ka ng isang barkadang nalasing at bigla na lang nagwala at naghahamon ng away?

Brod, cool ka lang! Chill! Easy Lang!

Marami sa atin ang ganyan ang pakiramdam ngayon. Lalo na ‘yung mga kababayan natin na bagamat may napupusuan na ay hindi pa desidido o ‘yung mga wala pa talagang napipiling kandidato. At ayon sa mga survey, malaki pa ang bilang ng mga botanteng ganito.

Nagustuhan ko ‘yung isang patalastas ng Comelec na nanghihikayat na maging mahinahon ang mga botante sa pagsusulong ng kani-kanilang mga kandidato.

Tama naman ‘di ba? Pagkatapos ng eleksiyon, tayo-tayo rin ang magkakasama. Kapag may dumating na problema sa hinaharap, sino-sino rin ba ang magtutulungan?

Laganap ngayon sa social media ang dagdag-bawas.

Bawas ang mga kalaban sa pulitika at dagdag ng mga kakampi. Nakakabuwisit makabasa ng ibang katwiran, ano po?

Nakakapanghinayang kung ‘yung mga na-unfriend o na block natin sa Facebook, Twitter at Instagram ay mga tunay na friend sa ating buhay. Ako palihim kong inaalam kung sinu-sino ‘yung mga friendship ko na hindi ko na nakikita ang mga post. Dalawang bagay ‘yan: sadyang umiiwas na sila na mag-FB o iniiwasan na nilang makita ang mga post ko.

Tama ‘yung manindigan tayo sa mga paniniwala natin. Manalo o matalo, tindigan natin kung ano ang nakikita nating tama. Pero lagi nating iisipin na ‘yung mga katunggali natin sa kabila ng bakod, gusto lang din nilang panindigan kung ano ang kanila.

Huwag nating sabihing bobo sila dahil hindi nila maintindihan ang punto ninyo. Kasi ganoon din ang iniisip nila nila sa inyo. Ipokrito, mangmang, sipsip, patay-gutom, manhid, manggagantso, ahas, mukhang pera, etchetera…bato-bato sa langit ang tamaan ay aray.. pero wala pong maidadagdag na kabutihan ang mga salitang ito. Kapit lang tayo sa mga isyu, sa mga katwirang may kabuluhan sa debate.

Malinaw na lahat tayo galit sa mga magnanakaw na pulitiko. (Ewan ko nga lang kung bakit palaging ‘yung mga magnanakaw din ang karaniwang nananalo sa mga eleksiyon) Lahat tayo, gusto natin ng pagbabago. Lahat tayo, gusto nating umasenso ang Pilipinas.

Parang relihiyon din po iyan, lahat tayo gustong makarating sa langit pero kung paano tayo pupunta roon, doon na tayo naghihiwa-hiwalay.

May mga taong sarado na ang isip at hindi na natin kayang baguhin. May mga taong nagkukunwari lang na nag-iisip pero gusto lang isulong ang mga pangsariling interes. May mga taong maseselan at talagang kinikilatis ang mga kandidato. At may mga tao rin pong hindi nag-iisip at sumusunod lang sa agos.

At kailangan nating tanggapin ang katotohanang ito ng buhay. Hindi natin ito dapat na ikagalit. Kung gusto mong baguhin ito, kumilos ka araw-araw kahit hindi panahon ng eleksiyon.

Ilaban mo ang opinyon mo pero isaisip mo na hindi lang opinyon mo ang mahalaga. Igiit mo ang opinyon mo pero sa magalang na paraan. Kung gusto mong igalang ka nila, igalang mo rin sila.

What is the golden rule? Do not do unto others what you don’t want others to do unto you.

Simple ‘di ba?

Ang mga kandidato, hindi sila sagrado. Ang sagrado, ang ating prosesong elektoral. Ang sagrado, ‘yung ating paglahok sa prosesong ito; ang ating kolektibong paglalakbay patungo sa kinabukasan. Maaring magkamali tayo sa ating mga desisyon, pero pasasaan ba at matututo rin tayo. Ganyan talaga sa demokrasya kailangan ang napakahabang pasensiya at sakpripisyo dahil mabagal at masalimuot ang mga proseso natin.

Mahalaga ang mga desisyon natin sa eleksiyong ito pero hindi para ikagunaw ng mundo kung sakaling magkamali tayo ng pagpili. May pamamaraan ang ating demokrasya upang iwasto ang anumang pagkakamali.

Pagkatapos ng eleksiyon, igalang natin ang hatol ng sambayanan. Pero patuloy na magbantay, kumilos at maging bahagi ng pagbabago.

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.