Araw ng pagbagsak ng Bataan*

USAPING-BAYAN-LogoNGAYON ay ginugunita ng bansa ang Araw ng Kagitingan bilang pagkilala sa kabayanihan ng magkasamang tropang Filipino-Amerikano na nakipaglaban sa mga Hapones sa peninsula ng Bataan nuong 1942.

Wala akong duda sa tapang na ipinakita ng ating mga kababayan. Pero hindi ganito kabuo ang aking paniniwala sa ating mga kasamang Amerikano sapagkat ang kanilang puwersa ay naka-talaga sa likuran ng ating tropa habang tayo ay sangkot sa madugong sagupaan sa front lines. Bukod pa dito ay nasa Amerikano ang mahuhusay na gamit at masustansyang pagkain samantalang nagtitiis halos sa wala ang ating mga sundalo.

Ang masakit pa nito, ang pakikipag-laban na ginawang ng ating mga sundalo ay hindi talaga para sa Pilipinas kundi para sa Australia at sa nanatiling impluwensya ng mga kanluranin sa Asya-Pasipiko. Ang Australia ang ginawang lundagan ng mga kolonyalista para makabalik sa Timog-Silangang Asya.

Ang ating matinding paninindigan sa Bataan at Corregidor ang sumira sa iskedyul ng mga mananakop na Hapones. Ito ang dahilan kaya hindi natuloy ang plano nilang sakupin ang Australia. Tayo ang rear guard para makapag-handa ang mga Australyano. Malaki ang kanilang utang sa atin pero wala akong naririnig na pagtanaw ng utang na loob mula sa kanila. Bagkus ang nababalita ko ay ang pagsasamantala ng kanilang mga turista sa ating mga kababaihan.

Pero ang pinakamasakit sa lahat ay ininsulto tayo ng U.S. matapos ang digmaan. Akalain ba naman na hindi nila kilalanin ang kabayanihan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng kanilang “Rescission Act of 1946.” Ayon sa batas na ito: “the service of Filipinos shall not be deemed to be or have been served in the military or national forces of the United States or any component thereof.”

Ito ang dahilan kaya nakamatayan na ng maraming beterano ng Bataan at Corregidor ang paghihintay sa biyayang dapat ay matagal nang ibinigay sa kanila ng U.S.

Ayon sa pag-aaral ng mga historyador tulad ng mga nasirang si Renato Constantino at Teodoro Agoncillo, wala talagang plano ang U.S. na ipagtanggol ang Pilipinas. Nang pumutok ang digmaan sa Europa nuong 1939 at inumpisahan ng Alemanya na banatan ang Gran Britanya ay naging prayoridad ng U.S. ang pagtulong nito sa mga Ingles. Kaya ang nakatalaga nilang puwersa a Hawaii at Pilipinas ng salakayin ito ng mga Hapones noong 1941 ay konti lamang at walang kahandaan. Talagang tayo ang ibabala nila sa kanyon ika nga.

Ito rin ang dahilan kaya may mga pagkakataon na naisipan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon, habang siya ay nasa Malinta Tunnel sa Corregidor, na makipag-kasundo na lamang sa mga Hapones upang hindi masalanta ng husto ang ating bayan ng digmaan. Pinigilan lamang siya ni Hen. Douglas MacArthur.

Filipino and American soldiers marchingto captivity into what would be known as the Death March ©www.thecommonsenseshow.com

Filipino and American soldiers marchingto captivity into what would be known as the Death March ©www.thecommonsenseshow.com

Walang masama na gunitain natin ang kabayanihan ng ating mga sundalo na nakasama sa pagtatanggol sa Bataan at Corregidor pero dapat din na ilahad ang mga tunay na pangyayari upang maging makabuluhan ang kanilang sakripisyo.

Ang madugong nangyari sa Bataan at Corregidor nuong 1942 ay ginagamit hanggang sa ngayon upang mapanatili ang mito na parehas ang ginawang sakripisyo ng ating mga sundalo at kawal Amerikano sa pakikipaglaban nila sa mga Hapones. Ang tutuo niyan ay tayo ang sumangga sa mga dagok ng mga Hapon.

Gayun pa man sa kabila ng mababang uri sa atin ng mga Amerikano ay napatunayan natin na ang lahing kayumanggi ay hindi umaatras sa laban.

Ang katapan nating mga Pilipino sa pinapanginoong Amerikano ang nagbunsod sa mga Hapones, lalo nasa mga utusan nitong Koreano, na maging mabalasik sa pakikitungo sa atin. Maliban sa mga Intsik, tayong mga Pilipino ang pumasan sa ngitngit ng mga Hapones sa panahon ng gyera. Ito ang dahilan kaya laging puno ang Fort Santiago ng mga bilanggong pinahihirapan.

Hindi ko masabing mali ang ginawa nating pakikipag-tulungan sa Amerika sa mga panahong iyon bagamat mayroon pa sanang higit na mas mabuting daan na sana ay ating natahak. Pero nangyari na ang nangyari.

Iyan ang dahilan kaya hanggang sa ngayon, kung kailan bilang na lamang sa daliri ang mga beterano ng Bataan at Corregidor, ay wala pa rin “back pay” na natatanggap ang mga nagsakripisyo para sa mga Amerikano nuong 1942.

 

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *