Opinions

Pagpupugay kay Senate President Jovito Salonga*

12660233_10153830564792808_692781680_nITINABI ko muna ‘yung paksang gusto ko sanang talakayin dito sa espasyo natin. Pakiramdam ko malaking kasalanan sa bahagi ko kung hindi ako makakapag-ambag sa mga pagkilala, papuri at paggalang na iniaalay ng sambayanang Pilipino sa pumanaw na dating SenatePresident Jovito Salonga.

Karamihan ng mga ibinoto ko sa pagka-pangulo ng Pilipinas puronatalo, at isa na rito si Senador Salonga. Pero hindi ako nagsisisi na ibinoto ko siya. Ayos lang kahit natalo kami. Payapa naman ang puso at isip ko dahil alam kong ibinoto ko ang karadat-dapat na tao.

Sa mga eleksiyon, hindi naman ‘yung pagwawagi ang mahalaga. Mas mahalaga ‘yung manindigan ka sa inaakala mong tama.

Ang tama hindi kayang burahin ng panahon. Katulad ngayon, pinagtatalunan ba natin ang kadakilaan ni Senador Salonga? Intelektuwal, makabayan, maka-mahirap at tapat na lingkod-bayan. May kumokontra ba sa mga parangal na iginagawad natin sa kanya?

Minsan nag-aatubili tayo kung maniniwalang may tsansa nga ba ang bayan natin laban sa mga mandarambong at huwad na lider-pulitiko. Kapag dumadapo sa akin ang ganitong pakiramdam, isinisiksik ko sa isipan ko ang mga katulad nila Salonga, Senador Jose Diokno, Senador Lorenzo Tanada at iba pang mga katulad nila na puwedeng gawing ehemplo ng mga sumusunod na henerasyon. Nabubuhay ang pag-asa sa puso ko dahil alam kong mayroon mga ehemplong pwedeng sundan ang sinumang mangangahas na tahakin ang mahirap at masalimuot na landas ng pagbabago.

Isa ako sa mga tinaguriang “martial law babies.” Grade 3 ako nang ideklara ang batas militar; 1986 nang maganap ang “people power revolution”; 14 na taon ng pagbibinata hanggang maging ganap na mamamayan.

Kinalakihan ko ang mga saklaan, jueteng, bookies at madyungan sa lugar namin. Kilala ko ang hapdi ng sikmurang nalipasan ng gutom. Hindi naman tamad ang mga magulang ko. Subsob sa labada ang nanay ko. Ang tatay ko, pinasok na yatang lahat ng klase ng trabaho.

Halos pare-pareho lang ang kalagayan naming mga magkakapitbahay.

Kung masagana ang buhay noong mga panahong iyon, hindi ko alam kung bakit hindi naulanan ng mga biyaya ang komunidad namin; at ang mga komunidad sa paligid namin; at ang sanlaksa pang mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.

Maraming komunidad noon ang maige lang ng bahagya doon sa mga nakatira sa Smokey Mountain sa Tondo.

Totoo naubos ang mga sigang-kanto noong mga unang taon ng martial law. Pero pumalit sa kanila mga sigang hindi puwedeng salingin: mga siga-sigang mga opisyal ng militar at pulisya, mga pulitiko at mga kaanak nila, mga bodyguard nila, at lahat ng sinumang “may kapit” sa Malakanyang.

Ganito ang Metro Manila noon: Ang Maynila hawak ng mga Bagatsing, ang Pasay hawak ng mga Cuneta, ang Caloocan sa mga Asistio, ang Makati sa mga Yabut, ang Mandaluyong sa mga Domingo, ang Quezon City sa mga Rodriguez, ang Paranaque sa mga Bernabe, ang Las Pinas sa mga Casimiro, et cetera.

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.