Diaspora Opinions

Ang kaibahan ng Los Angeles sa Metro Manila pagdating sa trapiko

 

12660233_10153830564792808_692781680_nMARAMI ang nahihirapang pumili ng kanilang mga kandidato para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas. Ayos sana kung dahil sa sobrang gagaling ng mga pinagpipilian kung kaya nahihirapan tayong magpasya. Ang saya natin sana kung ito ang dahilan kung bakit ‘di tayo makapili ng iboboto. Kaso nga po ay hindi.

Buntong-hininga! Pero ‘wag n’yong sabihing onli in the Pilipins. Dito sa Amerika, halos ganyan din naman ang problema ng isang partido rito.

Ayoko sanang lunurin ang isip ko sa dami ng mga problemang gusto kong harapin ng magiging bagong presidente ng Pilipinas pero siyempre kaya nga natin sila ihahalal ay dahil para lutasin nila ang mga problema ng bayan.

Hindi dahil sa taga-Metro Manila ako pero may napili po akong isang problema na gusto kong harapin ng mga kandidato. Maniwala kayo, buong bansa ang apektado sa problemang ito kahit na sa Metro Manila lang ito nangyayari. Ito po ang problema ng buhol-buhol na trapiko.

Ayon sa isang report sa Rappler, P2.4 bilyon kada araw na potensiyal na kita ng bansa ang nawawala dahil sa buhol-buhol na trapiko. Sa isang taon, P576 bilyon po ang katumbas niyan.

Ayon pa rin sa nasabing report, P400 bilyon lang ang badyet para sa imprastruktura ng bansa noong 2014.

P576 bilyon, imposibleng pong hindi apektado ang buong bansa sa problemang iyan. Ilang ospital, ilang paaralan, ilang health center, ilang tulay, kalsada, mga irrigation dam at kung anu-ano pang imprastraktura ang maitatayo natin kung naging aktuwal na kita ng bansa ang halagang iyan? Nakakapanghinayang ano po?

Pagkarami-raming pera sana na naging usok lang na dumagdag pa sa mga lason na nasa hangin na nilalanghap ngayon ng mga kababayan natin.

Sayang, wala tayong mahanap na datos para maipakita kung magkano naman ang kasalukuyang gastos ng gobyerno para lutasin ang problemang hindi naman nalulutas.

Simulan natin ang pagkuwenta mula sa mga traffic enforcer ng MMDA. Ilang libo sila? Ang bawat siyudad, may mga traffic enforcer din. Ilang libong katao lahat ang mga ito? Ang PNP may grupo na inilaan para dito. Ang daming pinapasuweldo para padaluyin ang trapiko sa mga lansangan ng Metro Manila.

Idagdag pa natin ang gastos ng gobyerno sa mga logistic para mai-deploy ang mga tauhan nito sa lansangan. Daang milyong pisong aktuwal na gastos ng gobyerno para ayusin ang trapiko sa Metro Manila.

Kaya bakit hindi natin hingan ng plataporma ang mga kandidato hinggil sa problemang ito? Hingan natin sila ng isang pangmatagalang solusyon sa problemang ito nang malaman natin kung malalim ba silang mag-isip. Paano nga ba nila tinitingnan ang problemang ito?

* * *

Rush hour in Los Angeles © articles.latimes.com
Rush hour in Los Angeles © articles.latimes.com

Dito sa LA, napakaraming freeway (at saka free way talaga ang mga ito; walang bayad). Pero sobra talaga ang dami ng sasakyan dito. Karaniwan nang may dalawang sasakyan para sa isang pamilya.

Sa Pilipinas, napakahirap magkaroon ng sasakyan. Kung mayroon ka nito, malamang na kabilang ka sa middle class o panggitnang uri. Hindi katulad dito may kakayahang bumili ng sasakyan ang mga karaniwang tao.

Marami ring balasubas na drayber dito. Pero mas marami ang matitino. Sa Pinas kaya sino ang mas marami, ‘yung matitino o ‘yung mga balasubas?

Dito kapag biglang namatay ang traffic light, kahit pa walang dumating na traffic enforcer, tatakbo nang maayos ang trapiko. Babagal ang trapiko pero uusad ang kotse mo sa lugar na walang insidente.

Kapag ganito ang sitwasyon, automatic na pinaiiral ng mga drayber ang rule na: First to come, first to go.

Bukod pa diyan, hindi rin binabarahan ang mga kanto o intersection. Hindi ka lilipat sa kabila kung wala pang espasyo doon para sa kotse mo kahit berde ang ilaw. Minsan, inaabutan ka na ng pagpapalit ng ilaw pero hindi ka nakatawid sa kabilang kanto. Hindi ka bubusinahan ng mga nasa likod mo dahil alam nila na ayaw mong mabarahan ang intersection.

Ang mga tao rito hindi man kasing disiplinado ng mga Hapon pero mapupuri mo pa rin pagdating sa pagmamaneho. Dito pumipila ang mga drayber sa kaliwa o kanang likuan. Bihira ‘yung nanggagaling sa gitna tapos bigla na lang kakaliwa o kakanan.

Eto pa: Kahit gumagapang na ang trapiko, karamihan sa mga drayber dito cool pa rin. Matiyagang naghihintay. Hindi nawawala sa wisyo. Kapit pa rin sa disiplina at hindi nagbabara-bara.

Huwag na tayong manisi. Aminin natin na bahagi tayo ng problema kung bakit palaging buhol-buhol ang trapiko sa Metro Manila.

Aaminin ko, bumait ako bilang drayber magmula nang magmaneho ako rito. Hindi dahil sa natiketan na ako. Bumait ako dahil ‘yun ang nakikita kong kalakaran. At nakikita ko at naramdaman ang epekto kapag may disiplina sa kalsada.

* * *

An ordinary day on EDSA © balita.com
An ordinary day on EDSA © balita.com

Teka, ililihis ko ang usapan.

Tayong mga Pinoy, ‘pag sinabi nating ma-traffic, ang ibig nating sabihin: Mabagal o ‘di gumagalaw na trapiko. Pero sa diksiyonaryong Filipino, ang kahulugan ng trapiko ay “galaw ng mga sasakyan o tao.” Kaya kapag sinabi nating “ma-traffic,” ang tamang kahulugan ng sinabi natin ay “magalaw o galaw ng galaw” ang mga sasakyan.

Kung galaw ng galaw ang mga sasakyan, eh hindi pala ma-“traffic”?

Heto pa ang isa.

Madalas natin itong marinig sa mga broadcaster natin sa radyo at telebisyon: Masikip na po ang daloy ng trapiko dito sa EDSA.

Redundant po ‘yan. Trapiko = Galaw ng sasakyan o tao. Alisin na ‘yung salitang daloy sa unahan ng trapiko. Pampasikip lang ‘yan.

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.