Opinions

Sagutin ninyo…*

USAPING-BAYAN-LogoKAYA parang kumikinang ang rehimen ni Ferdinand Marcos Sr. ngayon ay dahil naging malaya ang media pagkatapos ng kanyang diktadura. Naiuulat na sa publiko ang mga bagay na hindi maibalita noong panahon ng mapanupil niyang rehimen (1972-86) katulad ng mataas na krimen at labis na kahirapan sa lipunan.

Ang kawalan ng kalayaan sa pamamahayag ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya mukhang tahimik at masagana ang bayan noong panahon ni Marcos at naging magulo naman matapos siyang mapatalsik sa poder.

Pero bukod sa pagiging malaya ng media at pagiging malawak ng tinatawag na “democratic space” matapos ang diktadura ay hindi maitatanggi na talagang masama ang pamumuno ng mga sumunod kay Marcos. Bukod sa sila ay walang “vision” at “leadership” ay para silang mga nakawala sa koral at talagang mga gutom na gutom sa poder kaya may naniniwala ngayon na mas masahol pa sila kaysa kay Marcos.

Hindi natin masisisi ang ilan sa ngayon kung bakit mabango sa kanila ang diktadura ni Marcos. Hindi nila naranasan ang pasismo ng estado, ang kawalan ng kalayaan at mala-sementeryong katahimikan na dala ng martial law. Ang nakikita lamang nila ay ang kawalan ng kredibilidad ng mga pulpol na politiko o pulpolitiko na tumutuligsa ngayon sa mga Marcos at kampon nila.

Halimbawa, paano paniniwalaan ng henerasyon ngayon ang sinabi o sinasabi ni Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo o BS Aqujino tungkol kay Marcos at panahon niya gayong lahat sila ay itinutuloy lamang ang karamihan sa mga programa at batas ng diktador? Wala silang bagong ginawa o inumpisahan. Bukod pa dito ay tadtad din ng bintang na koprapsyon at human rights violations ang kani-kanilang mga administrasyon.

Kapansin-pansin din na yung mga pampublikong programa o ahensya ni Marcos na pabor o nakatutulong sa taong bayan ay hindi binigyang prioridad kundi man tuluyang inalis ng mga sumunod na nanirahan sa Malacanang. Masama pa nito ay marami rin na state-owned companies na pabor sa bayan ang isinapribado ng mga dilawang pulpolitikong ito para pagkitaan ng mga naitsa-puwera ni Marcos na miyembro ng oligarkiya.

Nasaan na ang BLISS, Kadiwa, libreng health care, population control, murang public transportation (Metro Manila Transit Corp. at ang Love Bus nito), subsidsized electric power, nationalized power sector (Napocor o Petron), Green Revolution, Masagana 99, Samahang Nayon etc..?. Nasaan na? Sumagot kayo mga dilawan.

Ferdinand Marcos declaring martial rule © reocities.com
Ferdinand Marcos declaring martial rule
© reocities.com

Sa kabila ng mga masamang nangyari matapos ang diktadura ay masasabi kong hindi dahilan ang kapalpakan ng dilawang pamunuan para malimot natin sa nangyari sa panahon ng rehimeng Marcos.

Ayon sa pagaaral ni Raisa Robles, may akda ng aklat na “Marcos Martial Law: Never Again,” mayroong 3,247 tao ang pinaslang, 40,000 ang tinortyur, at 60,000 ang illegal na ikinulong ng militar at para-military groups sa panahon ng diktadura mula 1972-85.

Lumalabas na sa loob ng 13 taon na ito ay 250 tao ang pinapatay taon-taon. 3,077 ang tinotortyur, at 4,615 ang illegal na ikinukulong. Lahat ng mga insidenteng ito, ayon kay Ms. Robles, ay alam ni Marcos at mga crony niya.

Kawawa naman tayo kung ito ang golden years ng Pilipinas na sinasabi ng mga apologist ni Marcos at revisionist ng kasaysayan. Palagay ko mas bagay tatakan ito bilang panahon ng tanso.

Bilang paglalagom, masasabi ko na may masama at mabuting aspeto ang diktadura ni Marcos.

Masama dahil nawalan ng buhay at katarungan ang marami at lalo tayong ibinaon nito sa impluwensya ng mga dayuhan ngunit sa kabilang banda ay may mabuti rin na naidulot ang diktadura. Pinanday nito ang ating kaakuhan at iminulat ang ating diwa sa kahalagahan ng demokrasya’t katarungan.Dapat husgahan sa lilim ng lente ng liwanag at katwiran ang Martial Law at si Marcos. Pulutin natin yung mabuti at iwaksi natin ang masama sa mga karanasang ito.

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.