Diaspora Opinions

Mga kaganapang pulitikal sa Los Angeles, jamming sa La Habra at iba pa*

12660233_10153830564792808_692781680_nMASIGLA ang galaw ng pulitika dito sa Los Angeles. Hindi man maihahambing sa “init” ng bakbakan sa Pilipinas, masarap pa ring sundan ang banggaan ng mga grupong pulitikal dito.

Dalawang ilog ang nilalanguyan ng mga Filipino-American o Fil-Am (hindi po ako Fil-Am, “FF” lang po ako – feeling Fil-Am) dito sa Los Angeles. Ito po ang pulitika sa Pilipinas at ang pulitika dito sa Amerika. Maaring magkalaban sila sa pulitika sa Pinas, pero pwedeng magkakampi naman sila bilang Democrat o Republican. At panahon din po ngayon ng halalang pampanguluhan dito sa Estados Unidos.

Siguro, isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit hindi masyadong mainit ang bakbakan nila rito.

Sabagay, ayos naman ‘yun. Kasi kung hindi man tayo puwedeng magsama-sama sa pulitika, marami pa namang mga bagay na puwede tayong magsama-sama bilang isang komunidad. Mainam din ‘yung may respeto at limitasyon tayo sa pagsusulong ng ating mga pulitika.

Kumakailan, sama-sama pa silang dumalo sa send off ni Pangulong Benigno Aquino III sa Hilton LAX. Nandoon ang grupo nina Mar Roxas at Leni Robredo, ang Grace Poe for President Movement, ang mga tagapagtaguyod ni Senator Francis Escudero at ang Bongbong Marcos Movement.

Hinahanap natin (dahil hindi pa tinatamaan ng ating radar) ang mga taga-suporta nina Vice President Jejomar Binay, Mayor Rodrigo Duterte at Senator Miriam Santiago, pawang mga kandidato para sa pagka-pangulo ng Pilipinas sa 2016 elections.

Tiyak na may tagahanga ang mga iyan dito sa Los Angeles pero hindi pa lang siguro organisado. O baka naman, may mga grupo na sila rito at ako lang pala ang mahina ang pang-amoy.

Ano pa man, ang kasabihan nga: Mas marami, mas masaya.

Kung gusto mong mapasama sa bilang, kailangang tumindig ka. Kung may pinaniniwalaan ka, kailangang kumilos ka. Maliit lang ang bilang ng mga absentee voter dito sa Los Angeles kumpara sa laki ng populasyon ng komunidad ng mga Fil-Am dito. Pero hindi boto kundi impluwensiya ang naglalabanan dito.

Ipagpalagay natin na may 50 hanggang 100 katao sa Pilipinas na malapit sa isang ordinaryong Fil-Am. Makakatulong ang kanyang kakayahan na kumbinsihin ang mga kaibigan, kakilala at pamilya na nasa Pinas na bumoto o mangampanya para sa isang partido o kandidato.

Hindi maliit na bagay ‘yan lalo na kung dikit ang labanan.

* * *

Taos-pusong pakikiramay sa aking ninang at kasama sa pamamahayag na si Mylah de Leon sa pagpanaw ng kanyang manugang na si Manny Nicdao, asawa ng kanyang bunsong anak na si Noelle.

Panalangin namin na samahan kayo ng Poong Maykapal sa inyong pagdadalamhati.

Sa People’s Tonight nagsimula ang kolum na Moonlighting ni Tita Mylah. Nagpapatuloy ito ngayon sa Los Angeles sa pahayagang Asian Journal. Kung paano siya noon ay nagpapatuloy pa rin si Tita Mylah pagbabahagi ng kanyang kagandahang-loob; ng kanyang mapanuri at masarap basahing istilo ng pagsusulat; at siyempre pa, ang kanyang walang katumbas na karisma.

* * *

Tuloy pa rin ang jamming ng mga musikero at mga artista sa La Habra Art Gallery. Siyempre pa, dahil ito sa walang pagod na pamumuno ni Luz Balbin-Spanks at host-singer-composer na si Mon Concepcion.

Nitong nakaraang open mic, maraming mga kabataan ang dumalo kabilang na ang anak ni Mon na si Aaron at ang ka-banda niyang si Peter. Bukod sa mahusay mag-rap ang mga batang ito, orihinal pa ang kanilang mga piyesa.

Siyempre, hindi matatapos ang gabi kung wala ang mga matatapang at madamdaming tula ni Fe Koons.

* * *

Raul Deodato Arellano
Raul Deodato Arellano

Binabati natin si Raul Deodato Arellano sa kanyang solo show sa La Habra Art Gallery. Mahusay na pintor si Raul at makikita ang lalim ng kanyang pananaw sa kanyang mga canvass. Mayroong mga naka-display sa gallery na realistiko o makatotohanan at mayroon din namang mga canvass na nalikha sa estilong tinatawag na impressionism; kung saan ang diin ng paglikha ay nasa paghuli ng emosyon kaysa sa eksaktong deskripsiyon ng subject.

Bukod sa pagiging pintor, mahilig ding kumanta si Raul at marunong ding mag-compose ng mga awit. Katunayan, ilang kanta na rin ang naiparinig niya sa mga regular na jammer ng open mic.

* * *

Abangan natin at suportahan ang L.A Philippine International Film Festival na magaganap sa Oktubre 7,8, at 9, 2016.
Bukas ang festival para sa mga pelikula at iba pang media work na gawa ng mga Pilipino o tungkol sa mga Pilipino. Pwedeng sumali ang sinumang may dugong Pinoy pero iba na ang nasyonalidad.

Para sa mga interesado, hanapin po ninyo ang kanilang pahina sa Facebook para malaman ninyo ang mga detalye ng festival.

Kudos sa mga bumubuo ng LAPIFF na sina Adrian Lecaros, Jush Andowitt, Gabe Pagtama, Janice Villarosa, Christopher Ad Castillo, Abe Pagtama at Fe Koons.

 

* Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.