Grains of Salt Opinions

Mga tula para sa Araw ng mga Puso*

12660233_10153830564792808_692781680_nMALIGAYANG Araw ng mga puso sa inyong lahat!
Kanya-kanyang diskarte para mapasaya ang ating mga mahal sa buhay. Siyempre, karaniwan na ang pagbibigay ng mga tsokolate, rosas at card. ‘Yung iba, matagal nang nagpa-reserve ng mesa sa mga paborito nilang restaurant. ‘Yung iba naman, sorpresa ang inihanda. Noong panahon namin, iba ang ibig sabihin ng sorpresa. Biglang liko ‘yun. Ewan ko kung uso pa ‘yan.
Aaminin ko, hindi ako romantiko. Pero ang sigurado, mapagmahal ako. Ganoon yata kaming mga makata, hindi masyadong “showy.”
Bilang ambag ko sa pagdiriwang ng mga puso, narito po ang dalawang tula na tumatalakay sa dalawang klase ng pag-ibig. Isang tula tungkol sa pag-ibig sa karelasyon at isang tula tungkol sa pag-ibig sa bayan.
Medyo matagal na ring nakaimbak ang mga ito sa aking baul. Sana hindi pa panis.

I. Romansa sa iskwater area

Manila slum area © thejavajive.com
Manila slum area
© thejavajive.com

Ang pag-ibig natin ay hindi isinilang
sa isang mabangong hardin ng mga rosas,
kundi sa masangsang na singaw
nang magkaagapay na kanal at eskinita.
ngunit hindi ibig sabihing,
wala tayong pagkagiliw
sa samyo ng mga bulaklak,
o sa ganda ng isang luntiang hardin.
nahirati man ang mga mata
sa isang magaspang na paligid,
sa mga bagay na pinagtagpi-tagpi,
mga bagay na pinagpatong-patong,
pinagtali-tali ng mga pira-pirasong lubid,
pinag-ugnay ng mga kalawanging pako,
hanggang sila’y magkaroon sa atin
nang pakinabang at gamit.
ngunit alam nating dalawa
na sa gitna ng anumang hirap,
sa gitna ng kagaspangan,
ay umaasa ang mga puso
na makatikim din ng tamis, gigil at kiliti
sa romansa ng ating pag-iibigan.
alam kong sa bawat pag-uwi ko
ay naroon ang iyong pag-asam
sa isang pumpon ng mga rosas
na bigla kong iaabot sa’yo
upang mapahiyaw ka sa tuwa
at mayakap mo ako nang mahigpit.
malimit ko ring inaasam na
mangyari ang ganyan, giliw ko.
kaya ang panalangin,
mangyari sanang isang araw
ay makauwi akong may sobra sa pambili ng bigas.

II. Panaginip ng taong naho-homesick

© whisperfall.deviantart.com
© whisperfall.deviantart.com

Nagising akong tila nasa panaginip pa rin
sa dulo ng dila ay nalalasap ko pa
ang lasa ng prutas ng mangga at bayabas
kung kaninong bakod naligaw ang tulog na diwa
hindi na maalala, hindi na rin mahalaga

Nagising akong tila nasa panaginip pa rin
Dama ko pa sa aking balat ang hipo at amoy
ng damit na nabasa sa pawis at ulan
sapagka’t kami’y lumukso, lumusong, nagtampisaw
sa baha, sa ulan, sa kamusmusang nagbalik

Nagising akong tila nasa panaginip pa rin
ang braso ko’y tila nangangawit pa nga
mukha’y naglalagkit sa pawis at alikabok
sapagkat sumabit sa estribo ng dyipni
papunta sa paboritong gotohan sa kanto

Nagising akong tila nasa panaginip pa rin
pira-piraso man, halu-halo’t walang buong kwento
kahit paano’y nakabalik din sa lupang tinubuan
kung saan ang papag ay laging nag-iimbita
ng isang tulog na may maayang hilik.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines

Abner Galino
The author is a poet and a writer. He was a cultural worker before he became a reporter for Tinig ng Masa and Malaya Midday Edition during the Marcos regime. He later became a reporter of People's Tonight shortly after 1986 EDSA Revolution. He went on to become its Chief of Reporters, City Editor and News Editor. He retired after 15 years in the Journal Group of Publications. He now writes for Weekend Balita and the US Asian Post (USAP), weekly Filipino-American newspapers based in Los Angeles, California.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.