Opinions

Puro sila lesser evil

USAPING-BAYAN-LogoNAKALULUNGKOT na sa dinamirami natin ay wala ni isa man para sa akin ang tumindig na masasabing tunay na karapatdapat na maging pangulo ng bansa. Tulad ng nakaupo ngayon sa Malacanang, puro “lesser evil” at “mediocre” ang kategorya ng mga ibig manirahan sa palasyo ng bayan.

Pansinin na ang isa sa mga kandidato ay malamig na technocrat. Ilang beses na siyang nabigyan ng pagkakataon na pamunuan ang dalawang ahensya ng pamahalaan pero wala naman naipakita kundi kapalpakan. Bukod sa kasalatan sa husay ay malakas ang ugong na siya ay ahente ng World Bank at International Monetary Fund. Gayon man, naniniwala ako na siya ang susunod na pangulo ng bansa. Lalong lalaganap ang neo-liberalismo na mas ipaghihirap natin kung maging tama ang aking paniniwala.

Ang sumunod na kandidato naman ay kaliwa’t kanan ang hinaharap na bintang na korapsyon. Naniniwala siya na walang masama sa dynasty o Kamag-anak Inc. at walang nakikita na “conflict of interest” sa paghawak ng kanyang pamilya sa iba’t ibang nagbabantayan na poder sa pamahalaan.

Ang isa naman na kandidato ay aminado na “human rights violator” at walang mahinahon na asal sa mga hindi niya kakampi. Hindi siya nagdadalawang isip na pagmumurahin o hamunin ng patayan ang sino man na kaasaran niya. Ano ang aasahan natin sa isang lider na parang sanggano kung umasta at magisip? Ito ba ang lider na kailangan natin?

Mayroon naman na nagaambisyon na maging pangulo kahit dati na niyang isinuka ang kanyang pagka-Filipino. Bagito at walang karanasan sa pamumuno at halatang natataranta sa panahon ng presyur. Magpapagoyo ba tayo sa kanya?

Ito namang huli ay malakas ang paniniwala na walang tama kundi siya. Laging atribida at napakataas ang tingin sa sarili. At katulad ng kasalukuyang pangulo, walang siyang kiyeme na hiyain ang isang makursunadahan kahit sa mga pampubliko at espesyal na okasyon. Hindi naman masasabi na wala siyang kahinaan o putik sa mukha.

Kung ganito ang mga “lider” na pagpipilian natin ay tiyak na hindi aahon ang Pilipinas sa kinasasadlakan nito na kahirapan. Mananatli ang kahirapan at laging walang kwenta ang mga tatangan ng poder. Lalong yayaman ang mayaman at mas maghihirap ang ngayon pa lang ay hikahos na.

 

Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

-30-

Nelson Flores, J.D., MSCK
A former reporter of the Philippine Daily Inquirer, Manila Standard Today, and a regular columnist of the Metro Manila based daily tabloid newspaper Hataw; Nelson Flores is also the former Senior Associate Editor of the Houston based Fil-Am Press and former anchor of dzXL and dzRJ's weekend talk show Usaping Bayan. Mr. Flores has a Bachelor of Arts in Journalism and Law degrees from the University of Santo Tomas and Adamson University and a holder of a study certificate from the Diocesan House of Studies, Iglesia Filipina Independiente (IFI). He is a Freemason and member of Reagan Lodge 1037 in Houston Heights under the jurisdiction of the Most Worshipful Grand Lodge of Texas and a member of the Missionary Society of Christ the King (MSCK).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.